Ano ang tax refund?
Ang tax refund ay hindi kabilang sa mga monetary benefits ng isang government employee. Ngunit ito ay importanteng bahagi ng pagsisiguro na tama ang benepisyong natatanggap nila.
Ang tax refund ay ang pagsasauli o pagbabayad ng gobyerno ng sobrang tax o buwis na naibawas o naikaltas sa sahod o bonus ng isang empleyado.
Paano at bakit nagkakaroon ng tax refund?
Sa madalas na pagkakataon, ang mga ahensya ng gobyerno ay kino-compute na sa simula pa lamang ng taon ang annual tax due ng bawat empleyado.
Sa pag-compute ng kanilang tax, isinasama na dito ang taunang sahod at bonuses na maaari nilang matanggap sa loob ng taon katulad ng mid-year bonus, year-end bonus, atbp.
Ang mga nasa ibaba ang ilan lamang sa mga dahilan kung bakit sobra ang naibabawas na tax sa benepisyo ng empleyado:
- Nagkaroon ng pagkakamali sa pag-compute ng tax (mathematical error);
- Nagkaroon ng pagkakamali sa tax rate na ginamit (mas mataas sa dapat na gamiting tax rate);
- Naisama sa computation ang mga bonuses na tax exempt o hindi taxable tulad ng mga de minimis benefits;
- Hindi naisama sa computation ang non taxable threshold na ₱90,000.00 at ₱250,000.00;
- Hindi naisama sa computation ang mga authorized deductions tulad ng personal share sa PhilHealth, Pag-IBIG, GSIS at iba pang authorized deductions; at
- May mga taxable bonuses na nadoble ang pagkaltas ng tax (ex. dalawang beses naisama sa computation).
Kailan binabayaran ang tax refund?
Ang tax refund ay madalas binabayaran kapag tapos na ang ahensya sa kanyang year end adjustments at nalaman na nito na may sobra sa naibawas na tax sa isang empleyado.
Ang pagbabayad ng tax refund ay madalas ginagawa tuwing January ng susunod na taon.
Maari din bayaran ang tax refund kung nag-resign o nag-retire ang isang empleyado at nalaman ng ahensya na sobra ang naibawas na tax dito. Ibinibigay ito sa kanyang huling sahod (last payment of salaries) o sa isang bukod na bayad.
Paano malalaman kung may Tax Refund ang empleyado?
Malalaman ng empleyado kung sobra ang naibawas na buwis sa kanyang benepisyo (i.e., tax refund) sa pamamagitan ng annualized tax computation o di kaya sa BIR Form 2316 (Certificate of Compensation Payment / Tax Withheld For Compensation Payment With or Without Tax Withheld).
Ang annualized tax computation at BIR 2316 ay ginagawa ng HR o Accounting Office ng bawat ahensya ng gobyerno at kadalasan ibinibigay ang BIR 2316 sa empleyado not later than January 31 bawat taon o di kaya kapag nag resign o retire ang empleyado.
Question
Kung meron kayong katanungan ukol sa post na ito tungkol sa tax refund, mag-iwan kayo ng mensahe sa comments section sa ibaba.

Comments are closed.