Good News! DBM Naglabas ng P7.372 Bilyon para sa Kumpletong Bayad ng SRI ng mga Guro at Non-Teaching Staff
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang P7.372 bilyon upang matustusan nang buo ang Service Recognition Incentive (SRI) para sa Fiscal Year 2025 ng mga kuwalipikadong guro at non-teaching personnel sa buong bansa.
Ayun sa post ng Usapang Budget Natin, inaprubahan ni DBM Secretary Rolando U. Toledo ang paglalabas ng Notice of Cash Allocation (NCA) noong January 27, 2026, upang masigurong makukuha ng mga benepisyaryo ang kabuuang halaga ng benepisyong ito na matagal nang hinihintay.
Simbolo ng Pasasalamat sa mga Guro
“Alam po natin na ang SRI na ito ay hindi lang basta benepisyo. Para sa ating mga guro at non-teaching staff, ito ay simbolo ng pasasalamat ng pamahalaan sa mga oras na inilaan ninyo, sa pagod na tiniis ninyo, at sa puson ibinuhos ninyo sa pagtuturo at pag-aaruga sa ating mga kabataan,” pahayag ni Secretary Toledo.
Binigyang-diin pa niya na ang paglalabas ng pondo ay direktang tugon sa malinaw na utos ng Pangulo na maramdaman ng mga guro ang suporta ng pamahalaan.
“Mahigpit na bilin ni Pangulong Bongbong Marcos na siguraduhing hindi nakakalimutan ang ating mga guro—dahil walang matibay na bansa kung walang inaalagaang guro. Kaya ginawa po namin ang lahat para masigurong may pondo at maibigay ito nang buo,” dagdag ni Toledo.
Phased Payment, Ngayon ay Buo Na
Dahil sa dami ng mga benepisyaryo sa buong bansa at sa malaking kaagad na cash requirement, ipinatupad una ng Department of Education (DepEd) ang phased payment ng SRI. Ngunit sa pag-apruba ng karagdagang cash allocation, maaari nang bayaran ang natitirang balanse upang matanggap ng mga kuwalipikadong benepisyaryo ang buong halaga ng kanilang SRI.
Distribusyon ng Pondo
Sa kabuuang P7.372 bilyong karagdagang cash allocation:
∙ P6.617 bilyon ang inilabas para sa DepEd Central Office
∙ P754.238 milyon ang direktang ilalabas sa mga Regional Office Proper at Schools Division Offices upang masigurong mabilis at maayos ang pamamahagi ng benepisyo
Batayan ng SRI
Matatandaan na noong Disyembre 11, 2025, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang Administrative Order (AO) No. 40 na nagbibigay ng pahintulot sa pagkakaloob ng one-time Service Recognition Incentive sa lahat ng kuwalipikadong kawani ng gobyerno para sa FY 2025, mula sa savings ng mga ahensya.
Sa ilalim ng AO No. 40, ang FY 2025 SRI ay ipagkakaloob sa iisang halaga na hindi lalagpas sa P20,000, kabilang ang mga kuwalipikadong guro at non-teaching personnel, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng administrasyon na mapabuti ang kalagayan ng mga kawani ng gobyerno at kilalanin ang mahalagang ambag nila sa serbisyo publiko.
Ang pagbabayad ng kumpletong SRI ay itinuturing na pagkilala sa sakripisyo, dedikasyon, at walang sawang serbisyo ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon na patuloy na nagsisilbi para sa kinabukasan ng bansa.
Ang blogpost na ito ay base sa official page ng Usapang Budget Natin. The UBN is an official page of the Department of Budget and Management.



