I-release ang full SRI ng mga guro, DepEd personnel bago matapos ang taon — ACT

I-release ang full SRI ng mga guro, DepEd personnel bago matapos ang taon — ACT

Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) nitong Sabado, Disyembre 27, sa Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) na tiyakin ang kumpleto at maagap na pagpapalabas ng ₱20,000 Service Recognition Incentive (SRI) para sa lahat ng kuwalipikadong guro at kawani ng edukasyon bago matapos ang taon.

Sa kanilang pahayag, muling iginiit ng ACT na nararapat lamang na matanggap ng mga guro ang buong halaga ng SRI nang walang pagkaantala, bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.

Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, hindi dapat pinaghihintay ang mga guro sa benepisyong matagal nang inaprubahan ni Pangulong Marcos, lalo’t ito ay nakalaan upang magbigay ng agarang ginhawang pinansyal ngayong kapaskuhan.

“Ang SRI ay para sa agarang ginhawa, lalo na sa panahon ng Pasko, hindi para maging dagdag-alalahanin dahil sa mabagal na proseso,” ani Bernardo.

Binanggit ng ACT ang lumalalang sitwasyon ng mga guro na patuloy na nakararanas ng mababang sahod, tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, at mas mabigat na trabaho.

Hinimok ng grupo ang DepEd na pabilisin ang internal na proseso upang masiguro ang pantay na implementasyon ng SRI sa lahat ng rehiyon at dibisyon. Kasabay nito, nanawagan din sila sa DBM na agad maglabas ng kaukulang guidelines at approvals upang maiwasan ang pagkaantala, hati-hating pagbibigay, o partial releases.

Dagdag pa ni Bernardo, “Hindi maaaring magsalita ang gobyerno ng pagkilala sa serbisyo ng mga guro kung hindi naman naibibigay nang buo at nasa oras ang malinaw na nakatakdang insentibo. Ang anumang kulang sa ₱20,000 o lampas sa Bagong Taon ay nawawalan ng saysay.”

Binigyang-diin ng ACT na ang SRI ay hindi dapat ituring na discretionary bonus, kundi isang matagal nang nararapat na pagkilala sa mga guro at kawani ng pampublikong paaralan na patuloy na nagpapatakbo ng sistema ng edukasyon sa kabila ng krisis, kakulangan, at matinding pressure.


“Kung tunay ang pagkilala at pagpapahalaga ng gobyerno sa mga guro at kawani, dapat na makatao at disente ang sweldo at benepisyo,” dagdag pa niya.

Nagbabala ang ACT na ang patuloy na pagkaantala o anumang pagbawas sa SRI ay lalo lamang magdudulot ng pagkadismaya at demoralization sa mga guro, na matagal nang pasan ang bigat ng kulang na pondo at labis na trabaho sa pampublikong sistema ng edukasyon.